LEGAZPI CITY – Sinagot ng Sorsogon Provincial Tourism Office ang mga isyung ibinabato kaugnay ng umano’y pagpondo ng provincial government sa lock-in taping ng teleserye na pinagbibidahan ni Heart Evangelista.
Maraming eksena ang kinuhanan sa Sorsogon para sa teleserye ng asawa ni Gov. Chiz Escudero kung saan maraming netizens ang nagreact sa mahal na gastos sa shooting.
Ipinaliwanag ni Provincial Tourism Officer Bobby Gigantone sa Bombo Radyo Legazpi, bahagi umano ito ng marketing at promotional strategy ng kanilang tanggapan.
Totoo umano na P10 million ang ginastos sa isang buwan na hotel accommodations, pagkain, transportasyon, at iba pang gastos ng 150 cast, crew, at staff ng TV network.
Dati nang pinaglaanan ng pondo ang programa na sumailalim sa maraming pag-aaral sa layuning mailagay ang Sorsogon bilang isa sa top destinations sa bansa.
Giit pa ni Gigantone na legal ang proseso at walang anomalya sa proyekto bago pumasok sa Memorandum of Agreement sa TV network dahil dumaan ito sa approval ng maraming tanggapan.
Dagdag pa ni Gigantone na malaking bagay ito sa pag-promote ng turismo sa lalawigan at tiyak nang dadagsa ang mga bisita sakaling matapos na ang pandemiya.