VIGAN CITY – Mariing pinabulaanan ng lider ng isang grupo ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Hong Kong na pawang kathang isip lamang ang mga balitang kumakalat sa social media na posibleng mawawalan na ng trabaho ang ilang overseas worker sa nasabing siyudad.
Ito ay dahil sa paglipat umano ng ilang mga employer sa ibang bansa dahil sa patuloy na kaguluhang nangyayari bunsod sa mga protestang nagaganap.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Rose Galinato Alcid na taa-Candon City, Ilocos Sur na lider ng OFW-North Alliance Ilocos Sur Chapter, wala pa siyang nababalitaan na kapwa nito OFW na na-terminate ang kontrata o sapilitang pinapauwi ng Pilipinas dahil aalis na ang kanilang employer at lilipat na ang mga ito sa ibang bansa.
Aniya, pawang mga paalala lamang ang kanilang natatanggap sa kanilang mga amo na iwasan nilang lumahok o lumapit sa mga nagsasagawa ng malawakang protesta upang hindi sila mapahamak.
Tiniyak din nito na tuwing lumalabas silang mga OFW ay ligtas sila lalo na kung susundin nila ang mga bilin ng Philippine Consulate sa Hong Kong na umiwas sa mga protesta at huwag magsuot ng itim at puting damit na siyang ginagamit ng mga nagpoprotesta.