KORONADAL CITY – Hindi maiwasan ng mga residente na maglabas ng sama ng loob dahil sa umano’y mga kontrobersiya na bumabalot sa bayan ng Makilala, lalo na sa relief operations sa mga residente.
Ibinahagi ni Bombo correspondent Jojo Gallo na marami ang nagpaabot ng kanilang hinanaing dahil sa isyu ng pang-aagaw sa mga ayuda kung saan karamihan sa mga biktima ay mga matatanda.
Nasaksihan rin nito ang pagbabangayan ng isang barangay kapitana at mga residente kung saan pinaninidigan ng kapitana na dapat dumaan muna sa kanilang barangay ang mga relief goods bago ito ihatid sa kanila.
Maliban dito, lumitaw rin ang mga alegasyon ng korapsyon sa mga barangay officials kung saan may ilan umanong mga opisyal ang hinahati ang mga magagandang uri ng bigas at kokonti na lamang ang matitira sa mga residente.
Tinatago umano ng mga barangay officials ang nasabing bigas habang ang hindi naman kagandahang-kalidad na bigas ay ipinamimigay naman sa mga residente.