Nais na paimbestigahan sa Senado ang isyu sa pagsasanay ng Pinoy seaferers sa gitna ng nakaambang pag-ban sa mga ito sa European Union matapos na mabigo ang Pilipinas na makapag-comply sa international training standards sa loob ng halos dalawang dekada na.
Kayat nais ni Senator Risa Hontiveros na ipa-summon o ipatawag ang Commission on Higher Education (CHED) at Maritime Industry Authority (Marina) sa isang Senate hearing para pagpaliwanagin ang mga ito sa shortcomings o pagkukulang sa pagsasanay ng mga Pilipinong seaferers.
Ayon sa Senadora na napapanahon na ipatawag ang Marina at CHED sa Senado upang agad na magawa ang kailangang reporma at kailangang maipakita ng mga ito sa Kongreso na ginagawan na nila ng aksyon para masolusyunan ang naturang isyu.
Una rito, sa pagdinig ng house panel noong Oktubre 27, sinabi ni Migrant Workers Assistant Secretary Jerom Pampolina na hindi pumasa ang Pilipinas sa European Maritime Safety Agency (Emsa) audit mula pa noong taong 2006 dahilan kaya nanganganib na mawalan ng trabaho ang nasa 50,000 Pinoy seaferers.