Inamin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon talagang nangyayaring delay sa pagpapasahod ng mga contact tracers na ipinakalat para tumulong sa pagtugon ng pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic.
Pero ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya, naresolba na raw ang nasabing isyu.
Paliwanag ni Malaya, ang mga naiuulat na delay ay dulot ng mga hindi kumpletong dokumento na ipinasa ng mga contact tracers.
“Yun pong mga delay sa sweldo, well I would admit there were some delay kasi sa mga sanay sa gobyerno, there are two things to make the salary complete,” wika ni Malaya.
“Number one, funds must have been released to us by DBM, number two the documentary requirements sa pagsweldo must be complete so usually po ang reason of delay, kulang kulang ‘yung dokumento ng contact tracers,” dagdag nito.
Aniya, ang mga contact tracers ay mayroon dapat account sa Landbank, rehistrado sa BIR, may daily time record at certificate of attendance upang makuha ang kanilang sweldo sa tamang oras.
Sa ilalim ng panuntunan ng DILG, sasahod ng minimun na P18,784 kada buwan ang mga contact tracers bilang contract of service personnel.
Inatasan na rin daw ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga DILG field offices na pabilisin ang proseso ng paglalabas ng sahod ng mga contact tracers.