-- Advertisements --

Naniniwala si dating Health Secretary at Iloilo First District Representative Janette Garin na magsisilbing oportunidad ang isinampang kaso ng Ombudsman laban sa kanya upang matuldukan na ang isyu ng Dengvaxia.

Sa isang pahayag sinabi ni Garin, malinis ang kanilang konsensya kaya handa itong harapin ang isyu na matagal nang ipinupukol at kumpiyansang mapasisinungalingan ang mga alegasyon.

Giit ng Iloilo lawmaker na walang nangyaring realignment ng pondo dahil malinaw sa Special Allotment Release Order mula sa Department of Budget and Management na gagamitin ito sa dengue vaccines para sa Central Luzon, CALABARZON at Metro Manila.

Paliwanag pa ni Garin, patuloy na tinatangkilik sa buong mundo ang bakuna at nakalista sa World Health Organization Essential Medicines na nangangahulugang binibigyan ng mandato ang lahat ng bansa na gamitin ito para sa mamamayan.

Ipinunto pa ni Garin na maraming panganib ang dulot ng pagsusulong vaccine development na nararanasan ng mga doktor at vaccinologists at bahagi ito ng kanilang tawag ng tungkulin na magsalba ng buhay.

Kumpiyansa naman ang mambabatas sa prinsipyo ng hustisya at due process na itinataguyod ng legal system sa bansa kaya mapatutunayan aniyang inosente siya at lalabas din ang katotohanan.

Si Garin at iba pang opisyal ay kinasuhan ng graft at technical malversation para sa school-based dengue vaccination program sa ilalim ng administrasyong Aquino noong 2016.