KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring pagbaril sa isang miyembro ng media sa Cotabato City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Lino Capillan, tagapagsalita ng PNP-12, kinilala nito ang biktima na si Benjie Caballero, 38, station manager ng Radyo Ni Juan sa Tacurong City.
Ayon kay Capillan, binaril ang biktima ng hindi pa natutukoy na mga suspek habang nagbabantay ng masasakyan sa harap ng kanyang bahay sa Brgy New, Isabela.
Nagtamo ng limang tama ng bala ang biktima na kritikal ngayon ang kondisyon sa isang ospital sa Tacurong City.
Mahigpit na kinondena ng Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Joel Sy Egco ang nangyari kay Caballero.
Ayon kay Egco, nakikipag-ugnayan na sila sa Tacurong City PNP para sa pagresolba ng kaso.
Napag-alaman na presidente rin ng Sultan Kudarat provincial task force on media security ang biktima.
Ilan sa mga tinitingnang anggulo sa insidente ay ang “personal grudge” o may kaugnayan sa trabaho ng biktima.