VIGAN CITY – Tahasang sinabi ng ina ng isa sa mga biktima ng pamamaril sa Sitio Baybayating, Collago, Lagayan, Abra na politika ang umano’y rason nang nasabing pangyayari.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Alicia Parado, 59, residente ng nasabing lugar, sila ay tagasuporta umano ng kakandidatong alkalde sa kanilang bayan, samantalang ang mga suspek naman ay supporters ng incumbent mayor na si Jhendricks Luna.
Aniya, posibleng nagalit ang mga suspek na sina Jerry Tabas alyas Valentin na isang barangay kagawad; Henry Tabas alyas Kondari; Juny Tabas alyas Abbak at Dominador Cardinas Jr., alyas Jun Jun na punong barangay ng nasabing lugar dahil ang kalaban ng kanilang kandidato ang sinusuportahan nila.
Sa nasabing pamamaril, namatay ang anak ni Parado na si Jhudges Castañeda Parado, 22, samantalang sugatan naman ang apo nito na si Leomar Parado Santos, 19, at ang isa pa nilang kasamahan na si Moises Gomez Salingbay, 22.
Desidido ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kaso laban sa mga suspek dahil gusto nilang tumigil na ang karahasan sa kanilang lugar at maturuan ng leksyon ang mga ito.