Mariing pinabulaanan ng tanggapan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na na-stroke ang pinuno ng Kamara.
Sa inilabas na statement ni Atty. Lemuel Erwin Romero, Head Executive Assistant ng Office of the Speaker, kinundena nito ang ilang nagpapakaalat ng mali at malisyosong impormasyon.
Una nang kumalat sa internet na nagsasabing si speaker ay nagkaroon ng stroke at kasalukuyang naka-confine sa ospital ngunit wala namang maipakitang patunay.
Ang mga alegasyong ito umano ay ganap na hindi totoo at malinaw na idinisenyo upang linlangin ang publiko at maghasik ng kalituhan.
Upang linawin, si Speaker Romualdez ay nasa maayos umanong kalusugan at patuloy na ginagampanan ang kaniyang mga tungkulin nang may dedikasyon at pokus.
Kahapon lamang, Disyembre 6, 2024, dumalo siya sa ilang opisyal na mga aktibidad, na nagpapakita ng kanyang aktibong pakikilahok sa trabaho.
Sa umaga, nasa Malacañang Palace siya para sa seremonya ng pagpirma ng dalawang mahalagang batas: ang Ligtas Pinoy Centers Act at ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act.
Sa hapon, lumahok si Speaker Romualdez sa Year-End Celebration and Thanksgiving ng League of Provinces of the Philippines kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga gobernador, at mga senador, kung saan pinagtibay niya ang pakikipagtulungan sa mga lider ng lokal na pamahalaan.
Hinihikayat namin ang lahat na umasa lamang sa mga napatunayan at opisyal na mga mapagkukunan ng impormasyon at tanggihan ang disinformation na naglalayong pahinain ang tiwala sa ating mga lider at institusyon.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Bukidnon Rep. Keith Flores, nanawagan ito sa publiko na mag-ingat sa mga nababasa sa social media na maaaring magligaw sa atin mula sa tunay na pangyayari.