Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) at Directorate for Intelligence (DI) na imbestigahan ang umano’y pagkasangkot ng ilang miyembo ng PNP-Special Action Force na nakatalaga sa New Bilibid Prison (NBP).
Lumalabas kasi na sumisigla na muli ang illegal drug trade sa NBP.
Inihayag ni Dela Rosa na may direktiba na siyang inilabas sa DIDM na siyang magsasagawa ng formal investigation at ang trabaho naman ng DI ay magsagawa ng counter intelligence upang mabatid ang katotohanan sa likod ng isyu na ibinabato sa SAF.
Giit nito na may mga detalye at impormasyon na hindi nakukuha ng DIDM pero nakuha naman ng DI kaya pinili niyang dalawang unit sa PNP Command group ang mag-imbestiga sa kaso.
Nakatakda namang kausapin ng PNP chief si Justice Secretary Vitaliano Aguirre kaugnay sa isyu.
Kanila rin daw malalaman kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat sa isyu na sangkot ang SAF sa illegal drug trade sa NBP.
Aminado si Gen. Bato na nais na niyang i-pullout ang SAF sa NBP dahil kailangan ang kanilang mga presensiya sa field.