-- Advertisements --

Siniguro ni House Speaker Alan Peter Cayetano na maaayos nila ang isyu sa information technology bago ang pagbubukas ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre 30.

Kaugnay ito sa hiling na temporary restraining order ng IT company na Atos laban sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) dahil sa isyu sa bidding, na ibinasura naman ng korte sa Maynila kalaunan.

Ayon kay Cayetano na siya ring chairman ng PHISGOC, nakikipagtulungan na raw ang mga organizers sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee upang maresolba ang isyu.

Inamin naman ni Cayetano na nakadagdag daw ito sa mga problemang kanilang hinaharap kung saan inaabot na raw ng gabi ang kanilang mga meeting magawan lamang ng solusyon ang mga sakit nila sa ulo.

“‘Yung mga technical aspect kasi at ‘yung solution nandiyan naman except for the cost nga it’s also there,” wika ni Cayetano.

“Kagabi lang kausap ko si [PSC] Chairman William [Butch] Ramirez at sabi niya, whatever the SEA Games [issue] you can rely on PSC. So we’re sorting that out,” dagdag nito.

Kuwento pa ni Cayetano, nagkaroon din daw ng problema sa internet ang Malaysia noong 2017 Games ngunit kanila naman daw itong naayos.

Una rito, sinabi ni PHISGOC spokesperson Atty. Jarie Osias na dahil sa pagkakabasura ng petisyon ng IT firm ay wala na raw legal obstacle na haharang sa SEA Games information system.

Ang nasabing sistema ay “one-stop shop” para sa mga scores, medal tally, stats ng mga players, at iba pang mahahalagang mga data na gagamiting sa regional meet.

Nag-ugat ang isyu sa pagkuwestyon ng IT company sa public bidding na ginawa noong Agosto para sa technical services ng SEA Games.

Giit ng kumpanya, na-award na raw sa kanila ang Southeast Asian Games Information Systems project bilang winning bidder noon pang Enero.