Hindi pa matukoy sa ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology kung hanggang kailan magtatagal ang nararanasan volcanic smog mula sa Bulkang Taal.
Ayon sa PHIVOLCS, hangga’t nagpapatuloy ang pagbubuga ng sulfur dioxide ng Bulkang Taal ay magtutuluy-tuloy din ang nararanasang vog sa ilang bahagi ng Luzon.
Ayon sa ahensya, batay sa kanilang monitoring ay patungong kanluran ang direksyon ng mga ibinubugang sulfur dioxise ng nasabing bulkan na nakakaapekto sa mga bayan ng Tuy, Calaca, Balayan, at Nasugbu sa Batangas.
Kaugnay nito ay mayroong discretion ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng evacuation sa mga residente kung kinakailangan.
Batay sa bulletin ng PHIVOLCS, limang volcanic tremors lamang na tumagal ng hanggang 575 mins. ang kanilang naitala mula alas-5 ng umaga kahapon, hanggang alas-5 ng umaga kanina.
Habang ang sulfur dioxide emission naman ay tumaas mula 4,322 tonelada noong Martes hanggang 4,569 tonelada noong Huwebes.
Samantala, patuloy naman ang paalala ng ahensya sa publiko na umiwas muna sa mga outdoor activities, isara ang mga pintuan at bintana, palagiang pagsusuot ng facemask, at uminom ng maraming tubig upang maeliminate ang mga nalanghap na sulfur dioxide.