Patuloy na magpapaulan sa ilang parte ng Pilipinas ang intertropical convergence zone (ITCZ) na nakakaapekto sa southern Mindanao.
Ayon sa state weather bureau ngayong Martes, Abril 8, magdadala ng kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang naturang weather system sa Zamboanga Peninsula at sa mga probinsiya ng Basilan, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Lanao del Sur at Palawan.
Ibinabala naman sa publiko na maaaring magresulta sa mga pagbaha at pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan dala ng ITCZ.
Samantala, patuloy namang iiral ang easterlies na nagdadala ng isolated rain showers o thunderstorms sa nalalabing parte ng bansa.
Ayon sa bureau, maaaring magresulta sa baha o landslide ang matinding thunderstorms.
Samantala, base sa monitoring ng weather bureau ngayong araw, walang inaasahang low pressure area (LPA) na mabubuo o papasok sa Philippine area of responsibility (PAR).