Makulimlim na kalangitan at kalat-kalat na mga pag-ulan ang mararanasan sa ilang bahagi ng Pilipinas dahil parin sa umiiral na shear line, Northeast Monsoon o Amihan, at Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Ayon sa DOST-PAGASA, makakaranas ang mga lugar sa Mindanao, Eastern Visayas, Central Visayas, Negros Island Region, at Palawan ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat dahil sa umiiral na ITCZ, na ayon sa state weather bureau, linya kung saan nagtatagpo ang hangin sa Northern at Southern Hemisphere.
Samantala, maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Isabela, Aurora, Quezon, Camarines Norte, at Camarines Sur dahil parin sa shear line
Asahan naman ang Posibleng mga flash flood at landslide sa mga nabanggit na lugar dahil sa malakas na pag-ulan.
Habang ang Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at natitirang bahagi ng Cagayan Valley ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dahil sa Northeast Monsoon o Amihan.
Posible rin ang pagbaha sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan na inaasahang hatid ng weather system.
Naaapektuhan din ng Amihan ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng bansa na makakaranas ng maulap na papawirin na may malaka-lakang pag-ulan na maaaring magresulta ng mga pag-baha at pag-guho ng lupa.
Samantala, ibinaba na ng DOST-PAGASA ang gale warning na maaaring umabot ang taas ng alon sa 2.8 hanggang 5 metro sa lugar ng Batanes, Cagayan, Babuyan Islands, Ilocos Norte,Ilocos Sur, Hilagang bahagi ng La Union, at kanlurang bahagi ng Pangasinan dahil sa malakas na ihip ng hanging Amihan.