LAOAG CITY – Patuloy na inim-ibestigahan ng Bureau of Fire Protection sa bayan ng Currimao ang nangyaring sunog sa bakanteng lote sa Barangay Uno.
Ayon kay Senior Fire Office 3 Darwin Labii, acting fire marshal sa nasabing bayan, umabot sa ikalawang alarma ang sunog dahil sa laki ng apoy.
Sinabi nito na ang bakanteng lote na nasunog ay pagmamay-ari ni Mr. James Gavino at ito ay nasa harap ng sementeryo kung saan maraming kahoy at malakas ang hangin.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit lumaki ang apoy at mabalis na kumalat kung saan tumagal ng dalawang oras bago tuluyang naapula ang sunog.
Inihayag nito na dalawa ang lumalabas na pinagmulan ng sunog, una ay sa mismong gitna ng bakanteng lote kung saan mayroong nagsiga, o mula sa naabandonang bahay malapit dito.
Tumulong sa pag-apula ng apoy ay ang mga personnel ng Bureau of Fire Protection sa bayan ng Badoc, Paoay, Pinili, San Nicolas at lungsod ng Laoag.
Nagpasalamat naman si Labii sa mga tumulong dahil kung tumagal pa umano ang sunog ay posible umanong kumalat pa lalo’t malapit sa bundok.
Samantala, walang namang nasugatang residente sa nangyaring sunog.