(Update) LEGAZPI CITY – Nanindigan ang Legazpi City Engineering Office sa pananagutan ng may-ari ng gumuhong apat na palapag sanang gusali na gagawing hotel sa Brgy. Pinaric.
Nagresulta ang insidente sa pagkamatay ng dalawang katao habang dalawa rin ang sugatan na pawang construction workers sa proyekto.
Ayon kay City Engineer Clemente Ibo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, personal niyang nakita ang itinatayong gusali nang mapadaan sa lugar, dalawang buwan na ang nakakalipas.
Binabaan ng legal office ng notice of violation ang proyekto dahil sa kawalan ng building permit at pinagsabihang mag-comply muna bago magpatuloy sa construction.
Bilang ethics chairman ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE), ipinatawag rin umano ni Ibo ang may-ari at project engineer upang makausap.
Sa naturang pag-uusap, ipinaalala ni Ibo na mali ang ginagawa ng mga ito at delikado dahil sa 30-meter vertical height na hinukay sa ground subalit walang shoring at retaining wall upang makaiwas sana sa landslide.
Mistula rin aniyang binalewala ang mga abiso at nagsumite naman ng mga dokumento para sa excavation permit subalit kulang kaya’t ipinabalik rin.