-- Advertisements --

Nanawagan ng ceasefire si UN Secretary-General Antonio Guterres upang matigil na ang kaguluhan na nagaganap ngayon sa Tripoli.

Ito ay matapos magdeklara ng state of emergency ng Libyan authorities kasunod ang pag-anunsyo ni Khalifa Haftar ng paglunsad nito ng opensiba upang sakupin ang Tripoli na ngayon ay nasa ilalim ng UN-backed government.

Ayon kay Guterres, kumakaharap ngayon sa malalang sitwasyon ang bansa na hinimok na tigilan na ang gyera upang magbigay daan sa bagong political negotiations.

Nagsagawa naman ng halos dalawang oras na pagpupulong ang konseho upang pag-usapan kung paano matitigil ang gulo sa Tripoli na naging sanhi ng unti-unting pagkasira ng UN peace efforts.

Ito ay kung saan kinumpirma ng UN diplomats na maglalabas ang konseho ng pahayag o draft resolution na humihingi ng ceasefire.

Una na rito ay ipinagpaliban muna ng United Nations ang national conference na dapat ay isasagawa sa Linggo upang gumawa ng roadmap para sa eleksyon na inaasahang babago sa matagal nang problema ng bansa na nagsimula noong patalsikin sa pwesto si Moamer Kadhafi.

Samantala, nagbigay babala na ang Philippine Embassy sa Tripoli na kung maaari ay umiwas muna ang mga Pilipino sa pagbibigay komento patungkol sa political situation sa bansa upang makaiwas na madamay sa gulo.

Itinaas naman sa Alert Level III o voluntary repatriation ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nangyayaring krisis ngayon sa Tripoli kung saan lahat ng Pilipinong nagttrabaho sa nasabing bansa na kasalukuyang nasa Pilipinas ay hindi muna papayaganag makabalik hangga’t hindi pa maayos ang lagay ng Libya.