-- Advertisements --

Pabor si Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front).

Ito’y kahit sinalakay ng rebeldeng grupo ang Maasin Police Station sa Iloilo nitong weekend kung saan kinuha ang mga baril, armas, sasakyan ng PNP at iba pang mga dokumento.

Sa panayam kay Dela Rosa, kaniyang sinabi na mahirap tuldukan ang peace talks kaya bukas pa rin siya na ipagpatuloy ito ng pamahalaan.

Aminado ang PNP chief na minsan ay nawawalan sila ng tiwala sa sinseridad ng NPA dahil ginagawa pa rin ng mga ito ang pagsalakay ng mga kampo.

Pero giit ni Dela Rosa, dapat din magtiwala sa isa’t isa para makamit ang inaasam ng lahat na pangmatagalang kapayapaan.

Sa ngayon sinibak na ni Dela Rosa ang police provincial director ng Iloilo.

Samantala, hindi muna dadalhin dito sa Metro Manila ang Maute sisters matapos maaresto sa Iloilo.

Sinabi ng PNP chief, kaniyang ipinag-utos muna na ibalik ang mga ito sa Cagayan de Oro para roon sampahan ng kaso at kung delikado ang kanilang seguridad ay saka na lamang ito ibibiyahe patungo dito sa Metro Manila.

Naniniwala si Dela Rosa na malaki ang implikasyon sa pagkahuli sa mga miyembro ng Maute dahil nababawasan ang kanilang puwersa na nangangahulugan na mababawasan ang kanilang support system lalo na sa mga indibidwal na nagbibigay ng tulong pinansyal.

Kinumpirma rin ni Dela Rosa na may suporta ring nakukuha ang Maute mula sa teroristang Abu Sayyaf at BIFF.