-- Advertisements --
Danny Garcia 1
Ex-champ Danny Garcia (photo by John Melo)

Target na talunin ng Ukranian boxer na si Ivan “El Terrible” Redkach ang katunggali nitong si Danny “Swift” Garcia sa pamamagitan ng stoppage sa Round 6 ng kanilang laban bukas sa Barclays Center sa Brooklyn, New York City.

Ito ang pagmamalaki na inihayag ni Redkach sa panayam ni John Melo kasabay nang ginanap na official weigh-in.

Ngunit ayon sa mga usap-usapan ng ilang mga sports analyst, taliwas ang kanilang pananaw sa kakahantungan ng laban dahil baka si Garcia raw ang makagawa ng stoppage laban kay Redkach sa mga huling round.

‘Di hamak na malaki ang kalamangan ni Garcia sapagkat dalawa pa lamang ang talo nito at sa kasalukuyan mayroon itong hawak 21 knockouts sa loob ng 35 mga panalo.

Sa kabilang banda si Redkach ay mayroong professional record na 23 na panalo, 19 dito ay via knockouts, isang talo at isang draw.

Sa naging resulta ng weigh-in ang former two-division titleholder na si Garcia ay tumimbang sa 147 pounds na eksakto sa limit habang si Redkach naman ay bahagyang magaan sa 146¾ pounds.

Naging maingay ang pangalan ni Redkach nang ma-upset nito ang dating two-division champion na si Devon Alexander noong Hunyo ng nakalipas na taon sa pamamagitan ng brutal uppercut at kaliwang kamay hanggang bumagsak ito na mukha ang una sa canvass.

Si Garcia naman ay kabilang umano sa mga pangalan na nasa shortlist ni Sen. Manny Pacquiao na posibleng makalaban ngayong taon.

Ivan redkach 1
Ivan “El Terrible” Redkach (photo by John Melo)