Magsasagawa rin ng sariling community pantry sina House Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa Abril 29, araw ng Huwebes.
Subalit imbes na pagkain ay mamimigay ang mga ito ng libreng human-grade Ivermectin capsules.
Pormal na ilulunsad ang “Ivermectin Pan-three” sa Matandang Balara Hall Park, Quezon City. Layunin nito na mabigyan ang bawat benepisyaryo ng tatlong Ivermectin capsules ng libre na maaari nilang inumin bilang preventive drug o early treatment laban sa COVID-19.
Ang compounded Ivermectin ay ipamimigay ng libre ng Lifecore Bio-integrative Inc., isang lisensyadong compounding laboratory sa Quezon City.
Ayon pa kila Marcoleta at Defensor, mag-iikot ikot ang mga ito upang mamigay ng Ivermectin sa mga residente mula sa iba’t ibang barangay sa nasabing lungsod dahil nananatiling mataas ang naitatalang kaso rito ng nakamamatay na virus.
Dadaluhan ng mga medical doctors ang naturang aktibidad para mamigay ng prescriptions sa mga benepisyaryo.
Paliwanag ng mga mambabatas na nagbunsod ang kanilang “critical decision” na mamahagi ng Ivermectin para sa mga indibidwal na nangangailangan ng tulong kasunod na rin ng ginagawang pag-aaral ng House health and good government and public accountability committees.
Sinuportahan daw kasi ng foreign at local health experts ang potensyal na paggamit ng antiparasitic drug sa pagpatay ng SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19.
May ilang bansa na rin aniya ang gumagamit ng Ivermectin laban sa COVID-19, tulad na lamang ng South Africa, Slovakia, Panama, Peru, ilang parte ng India, Mexico at Czech Republic.
Binibigay na rin daw ito ng mga doktor sa Estados Unidos, Australia at Canada bilang off-label use para sa mga COVID-19 patients.