-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tuluyan nang nadamay ang mga Pilipino na nakakaranas ng diskriminasyon sa Italy matapos na napagkakamalang mga Chinese dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nita Bituin, caregiver sa Milan Italy at tubong Nueva Ecija, sinabi niya na noong una ay hindi nila pinapansin ang mga panlalait sa kanila ng ibang lahi tulad ng mga Pakistani at Indian na nasa Italya.

Ngunit dahil nakakasakit na ang mga salitang naririnig ng mga Asian ay may mga oras na hindi nila maiwasang mapaaway.

Tulad na lamang aniya kapag sumasakay sila sa public transport ay nakakarinig sila ng mga masasamang salita tulad ng pagturing sa kanila bilang maruming tao.

Kuwento nito, mayroon siyang Pilipinong kakilala na nakipagsuntukan sa loob ng supermarket dahil sa naranasang pang-iinsulto ng isang Pakistani.

Ang ginagawa na lamang nilang mga Overseas Filipino Worker sa Italya ay sinusulatan nila ang kanilang face mask na hindi sila virus at taga-Pilipinas sila.

Sa ngayon aniya ay nagsara na ang mga negosyo ng Chinese sa Italy at nagkukulong na lamang sa kani-kanilang mga bahay.