-- Advertisements --

Para maprotektahan ang kapakanan ng mga alagang hayop, nanawagan ngayon ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang pagpapaputok o paggamit ng mga firecrackers kasabay ng pagdiriwang ng pasko at bagong taon.

Ayon sa ahensya, ang kapakanan ng mga mga alagang hayop ay bahagi rin ng kampanya nito ukol sa proteksyon ng buhay sa ilalim ng ‘Bawat Buhay Mahalaga’ campaign.

Ipinapaunawa ng ahensiya sa publiko na nai-stress ang mga alagang hayop kapag nakakarinig ang mga ito ng malalakas na paputok, at naaapektuhan ang kanilang buhay.

Ayon sa DOH, hindi pet-friendly ang mga paputok, bagkus ay nagdudulot ito ng malaking impact sa buhay ng mga aso, pusa, at iba pang karaniwang hayop na inaalagaan sa mga kabahayan.

Kasabay ng apela ay nagbahagi rin ang ahensiya ng mga tips para sa mental at physical health ng mga alagang hayop.

Kinabibilangan dito ang pag-lalagay sa mga hayop sa loob ng bahay at pagtatakda ng ligtas na lugar para sa kanila, at paggamit ng calming wraps para makabawas ng stress.

Maliban dito, inirekomenda rin ng DOH ang paglalagay ng mga updated na ID tags sakaling tumakbo at mapalayo ang mga ito dahil sa takot.