Malabo nang mahuli ang gaming tycoon na si Jack Lam kapag ito ay nakalabas na ng bansa.
Ito ang inihayag ni PNP chief PDGen. Ronald Dela Rosa kaugnay ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin si Lam dahil sa economic sabotage at bribery.
Si Lam ang itinuturong nasa likod ng isang illegal online gaming operation sa Fontana sa Clark, Pampanga kung saan mahigit 1,300 illegal Chinese workers ang nahuli kamakailan.
Ipinaliwanag ni Dela Rosa na kung si Lam ay nasa loob ng Pilipinas, maari siyang arestohin kahit walang warrant of arrest dahil ang economic sabotage ay isang continuing crime.
Pero kung nakalabas na ito ng bansa, ay kailangan makipag coordinate ang PNP sa Interpol para hulihin ito, na hindi naman pwedeng gawin hangga’t walang warrant of arrest laban kay Lam.
Aniya, ang tanging magagawa ng PNP ay hintaying bumalik ng bansa si Lam o hintayin na makapagsampa ng kaukulang kaso ang DOJ upang makakuha ng warrant.