Magsisilbing isa sa mga torchbearer si Hong Kong-born martial arts actor Jackie Chan sa nalalapit na opening ceremony ng Paralympics sa Paris, France.
Ang 70 anyos na martial artist ay naatasang magbitbit sa Paralympic torch sa Paris at ipaparada ito ilang oras bago ang nakatakdang opening ceremony.
Unang sinindihan ang Paralympic flame noong araw ng Sabado sa United Kingdom, ang kinikilalang birthplace ng Paralympic Games.
Mula sa UK, ibiniyahe ito papuntang France sa pamamagitan ng Channel Tunnel sa pamamagitan ni wheelchair fencing medalist Emmanuelle Assmann.
Batay sa schedule, darating sa Paris ang naturang tanglaw pagsapit ng Miyerkules(oras sa France) para sa nakatakdang pagsisimula ng Paralympics sa araw ding iyon.
Gaganapin ang opening ceremony ng Paralympics sa Stade de France, kasama ang magarbong athletes parade sa ilang bahagi ng central Paris.
Nakatakda ang Paralympics mula Aug 28 hanggang Sept. 8, 2024 kung saan mahigit 4,400 atleta ang magpapaligsahan sa 22 sports.
Sa edisyong ito ng Paralympics, mayroong 549 medal na paglalabanan ng mga atleta.