Maging si Jaclyn Jose ay mistulang countdown na rin sa nalalapit na panganganak ng anak at celebrity ding si Andrea Nicole “Andi” Eigenmann.
Sa second week of July na kasi ang due date ni Andi sa anak nito mula sa surfer boyfriend niyang si Philmar Alipayo.
“It’s going to be a girl again for Andi. Ako naman, kahit na ano pa ang gender ay masaya ako dahil may bagong apo ulit ako. Excited na rin si Ellie kasi magiging big sister na siya,” saad ng 55-year-old veteran actress.
Ayon kay Jaclyn o Mary Jane Santa Ana Guck sa tunay na buhay, magkahalong gulat at saya ang naramdaman nito sa malaking pagbabago sa personalidad ng kanyang 29-year-old daughter.
“Dati kasi laging galit yan, e. Konting pangaral mo diyan, sumasagot at nakasinghal. Lagi kaming nagtatalo. Ngayon talagang nag-mature na siya. Nawala na ang pagiging brat niya. Hindi na kami nag-aaway tulad dati. Kalmado na ang anak ko kasi masaya na siya sa buhay niya,” dagdag pa ni Jose.
Kasabay nito, ibinunyag ni Jaclyn na noong una ay may pag-aalinlangan siya sa nabuong relasyon nina Andi at Philmar.
“Naisip ko noon na it’s either si Andi ang hindi makatagal sa buhay na pinili niya or si Philmar ang susuko kay Andi,” pag-amin nito.
Gayunman, malaki aniya ang impluwensiya ni Alipayo sa pagiging maalaga nito kay Eigenmann.
Sa ngayon ay seven years old na ang panganay ni Andi na si Ellie, na nagbunga sa relasyon nila ng ex-boyfriend na si Jake Ejercito.