-- Advertisements --

Pumanaw na ang batikang aktres na si Jaclyn Jose sa edad na 60. 

‘Yan ang kinumpirma ng talent management ng aktres. Noong Sabado, ika-2 ng Marso 2024 pa pumanaw ang aktres ngunit pumutok lamang ang balita nitong Linggo ng gabi. 

Hindi na isinapubliko ng PPL Entertainment ang dahilan ng pagkamatay ng aktres ngunit base sa ilang ulat ay natagpuang wala ng buhay ang katawan ni Jaclyn Jose sa loob ng kaniyang tahanan sa Loyola Grand Villa. 

Wala pang inilalabas na pahayag ang pamilya ng aktres maging ang anak nitong si Andi Eigenmann.

Agad namang bumuhos online ang pakikiramay at pagkalungkot ng mga fans ng aktres at ng Filipino moviegoers. 

Nakilala si Jaclyn Jose sa hindi mabilang na pagganap nito sa pelikula at telebisyon. 

Noong 2016, kinilala siya bilang kauna-unahang Pilipino at Southeast Asian na nagwagi ng Best Actress sa Cannes Film Festival sa pelikula nitong Ma Rosa na dinirek ni Brillante Mendoza.