-- Advertisements --

Aminado ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nananatiling malaking hamon pa rin ang kakulangan ng mga jail facilities para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).

Sa isang virtual press conference, sinabi ni BJMP spokesman, Jail C/Insp. Xavier Solda na bagama’t napakatagal na nilang problema ang jail congestion ay unti-unti na itong nabibigyang solusyon tulad ng pagpapatayo ng mga imprastraktura sa tulong ng national at local government.

Sinabi ni Solda, bumaba na aniya sa 397 percent ang kanilang congestion rate sa mga bilangguan mula noong December 2020 hanggang sa kasalukuyan kumpara naman sa 403 percent na nai-ulat ng Commission on Audit (COA) sa kanilang Performance Audit para sa nakalipas na taon.

Aniya, mula sa 103 facilities na kanilang ipatatayo, 79 dito ang nakumpleto na habang 23 ang nagpapatuloy pa habang isa naman ang binawi o terminated dulot ng ilang kadahilanan.

Sa ngayon mas mataas ang kanilang jail capacity ng mahigit 100,000 kumpara sa standard jail capacity sa kasalukuyan na nasa mahigit 36,000 na lamang.

Subalit nanindigan si Solda na wala silang problema sa paggastos ng pondo ngunit dapat pa nilang pagtuunan ng pansin ang pagtayo ng mga karagdagang pasilidad na sa ngayon ay malabo pang mangyari dahil sa pandemya.

Iniulat din nito na nagpapatuloy din ang vaccination sa kanilang mga tauhan at maging sa mga persons deprived of liberty.