TACLOBAN CITY – Nag-iwan ng dalawang inmate na patay ang tangkang pagtakas sa Calbayog District Jail Facility sa Gadgaran, Samar.
Ayon kay Pol. Col. Andrei Dizon, provincial director ng Samar Police Provincial Office, walong bilanggo ang nagtangkang tumakas sa nasabing jail facility pero agad ang mga itong hinabol ng mga otoridad.
Dalawa ang nabaril-patay, nahuli naman ang isang inmate, at nakatakas ang limang iba pa.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng tiyansang makatakas ang mga pugante nang may dumating na delivery ng mineral water kung saan pagkabukas pa lamang sa gate ay agad na nagsitakbuhan palabas ang naturang mga preso.
Sa ngayon ay patuloy ang hot pursuit operation ng mga kapulisan upang madakip ang mga pumugang preso.
Patuloy din ang imbestigasyon kung nagkaroon ba ng kapabayaan ang mga jail officer na naka-duty nang mangyari ang insidente.