Tinutugis na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kasintahan ng disc jockey at influencer na si Jellie Aw na si Jam Ignacio, kaugnay ng mga akusasyon ng pang-aabuso, ayon sa pahayag ni NBI chief Jaime Santiago nitong Biyernes.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Santiago na pinagtutuunan ng NBI ang paghahanap sa suspek.
‘Hinahabol natin ‘yung kanyang boyfriend. So I asked her, baka naman lumuhod sa iyo ito, patawarin mo, sabi niya hindi. Tuturuan daw niya ng leksiyon. She wants the boyfriend to go to jail,’ sabi ni Santiago.
Dagdag pa niya, ‘Kung suwe-suwertehin tayo, within the day, makukuha natin ‘yung boyfriend niya para mapanagot sa kasalanan na ginawa niya.’
Kamakailang lamang nang kumalat ang larawan ni Jellie Aw na duguan at may pasa sa mukha matapos mangyari ang insidente ng pambubugbog.
Binigyan-diin pa ni Santiago para sa mga nabi-biktima ng pang-aabuso, na huwag hayaang magpatuloy ang ganitong uri ng pagtrato sa kanilang mga kinakasama sa relasyon.
‘Wag kayong hayaan ninyo na abusuhin kayo ng inyong mga boyfriend. Alam niyo, walang ‘I love you’ forever. Kapag sinasaktan na kayo, hindi na kayo mahal niyan dahil hindi nga sinasaktan ang babae,’ sabi nito.
Dagdag pa ng NBI Chief na hindi lamang pisikal na pananakit ang dapat ituring na pang-aabuso kundi pati na rin ang verbal abuse.
Patuloy naman ang pagsusumikap ng NBI na mahanap ang kasintahan ni Jellie Aw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.