-- Advertisements --

Lalong lumakas ngayon ang usap-usapan sa NBA na nais na ring kumawala sa Brooklyn Nets ang isa sa kanilang superstar at dating MVP na si James Harden.

Sinasabing ayaw nang magpa-renew ng kontrata ni Harden at nais na maihabol siya sa pagtatapos ng trade deadline bukas.

Ito ay taliwas sa naging pahayag ng head coach ng Brooklyn na si Steve Nash ayaw ni Harden na umalis sa team.

Pero biglang nagbago umano ang timpla ng pangyayari lalo na at lumasap ng ika-siyam na sunod na talo ang Nets.

Nagpadagdag sa kamalasan ng Nets ay ang wala pa ring kasiguraduhan kung kelan makakabalik si Kevin Durant, habang si Kyrie Irving naman ay hindi pa rin nakakalaro sa home games bunsod ng kawalan ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon sa ilang sources posibleng raw mabuo ang deal sa pagitan ng Brooklyn at Philadelphia Sixers para sa palitan sa isa pang kontrobersiyal na basketball star na si Ben Simmons.

Kung maalala mula ng magsimula ang bagong season ng NBA ay hindi na rin naglaro si Simmons bunsod ng pagnanais na makaalpas din sa Sixers.