Kumamada ng 21 points, 14 rebounds at 11 assists si LeBron James upang akayin ang Los Angeles Lakers tungo sa 106-99 pagdomina sa Detroit Pistons.
Ito na ang ika-90 na career triple-double ni James, ikasiyam ngayong season at ikalawa sa loob lamang ng limang araw.
Hindi rin nagpapigil si Anthony Davis na ibinuhos ang 11 sa kanyang 24 points sa huling 3:40 at nagdagdag ng 11 rebounds para sa Lakers.
Nanggaling din kay Davis ang walo sa 20 blocked shots ng Lakers para sa kanilang ikalimang sunod na panalo.
Walong tira ang binutata ng Lakers sa loob lamang ng first quarter, kasama na ang apat ni Davis at tatlo ni JaVale McGee.
Sa pagpapatuloy ng first half ay nagdagdagan pa sa 12 ang sinupalpal ng Lakers at nalimitahan lamang sa 35% ang shooting ng Detoit.
Sa kabilang dako, kumubra ng 28 points si Derrick Rose at si dating Lakers guard Svi Mykhailiuk ng 14 marka para sa Pistons, na bigong makapaglista ng panalo sa siyam sa 11 laro.
Nagdagdag din si Andre Drummond ng 12 points sa kanyang malamyang 2-of-13 shooting at 18 rebounds bago ma-foul out.
Bibisita sa Cleveland ang Pistons sa Miyerkules para simulan ang home-and-home set sa Cavaliers.
Haharapin naman ng Lakers ang New York Knicks sa araw din ng Miyerkules.