Muling naungkat ang January 6, 2021 US Capitol attack sa paghaharap nina US VP Kamala Harris at dating US Pres Donald Trump ngayong araw, Setyembre 11.
Sa kalagitnaan ng debate ay natanong si Trump kung mayroon ba itong pinagsisisihan sa nangyaring rally na humantong sa makasaysayang January 6 2021 attack, ilang araw lamang bago ang opisyal na pag alis ni Trump sa pwesto.
Ayon kay Trump, hindi niya kasalanan ang naturang insidente.
Bagaman hinimok niya ang kanyang mga supporter na tanggihan ang resulta ng halalan, sinabi ni Trump na hindi niya hinikayat ang mga ito na maging bayolente.
Sa halip na direktang sagutin ang tanong, inungkat ni Trump ang iba pang mga isyu tulad ng mga illegal immigrant at mga kriminal na aniya’y hindi magawang panagutin ng kasalukuyang administrasyon.
Sinamantala naman ni VP Harris ang naturang paksa para ipinta si Trump bilang isang kandidatong tumitindig at sumusuporta sa mga bayolenteng kaganapan.
Ayon kay Harris na kasalukuyang senador noong panahong iyon, nasa US Capitol siya noong mangyari ang naturang insidente at batid umano niya kung paano pinasok ng mga supporter ni Trump ang Capitol, pinagsisira ang mga kagamitan, sinira ang mga mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng US, at manakit ng mga taong roon.
Giit ni Harris, ito ay nangyari nang may pahintulot si Trump na kasalukuyan pa ring presidente noong panahong iyon.
Maalalang ang naturang insidente ay ang naging dahilan ng ikalawang impeachment ni Trump, kahit na isang linggo na lamang ang nalalabi sa kanyang termino.
Dito ay inakusahan siyang nagsimula ng ‘insurrection’ o paghihimagsik dahil na rin sa kanyang naunang binitawang talumpati bago ang nangyaring pag-atake sa US capitol.