-- Advertisements --

Kinumpirma ni Markus Paterson na sa mga susunod na araw ay “home sweet home” na sila sa Pilipinas ng girlfriend at kapwa artistang si Janella Salvador.

Nabatid na ilang buwan ding nanatili ang magkasintahan sa United Kingdom, kung saan lumaki ang 22-year-old Filipino-British actor/model at doon na rin nanganak si Janella.

Tutuparin din ng dalawa ang wish ng kanilang celebrity friends dahil kasama nila pauwi ang three-month-old baby na si Jude.

“Nasa U.K. pa kami. Pero malapit na kaming umuwi. Malapit na malapit na,” tugon ni Markus sa nagtanong na netizen sa isang virtual chat ng kanyang bagong pelikula.

Sa panig ni Janella, nagpahiwatig din siya na nais niya nang umuwi kung saan nag-post ito ng larawan na tila kuha sa bahay niya sa Pilipinas na mis na raw niya.

“I miss waking up to this view. I miss home,” caption ni Salvador.

Nabatid na winter ngayon sa U.K kung saan sa ilang larawan ng dalawa ay mapapansin ang niyebe sa kanilang kinaroroonan.

Noong nakaraang buwan lang nang ipakilala na ni Janella at Markus si baby Jude kasabay ng paliwanag na isinikreto muna nila ang katotohan pero dahil natakot sa anila’y mapanghusgang mundo.

Setyembre 2019 nang maging usap-usapan na buntis na raw ang young actress, kasunod lamang din ng rebelasyon nila ni Markus na sila ay magkasintahan na.

Ina ni Janella ang aktres na si Jenine Desiderio sa musician na si Juan Miguel Salvador.

Ang ama ni Markus na si Trevor Paterson ay dating British Air Force pilot, habang ang kanyang ina na si Norma ay Pinay na tubong Pangasinan.

Bago kay Markus, si Janella ay dating girlfriend ng celebrity ding si Elmo Magalona at naugnay kay Joshua Garcia.