Maaaring sumama ang iba pang bansang kaalyado ng Pilipinas sa nakatakdang 2025 Balikatan Exercises, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa Abril-21 ay nakatakdang isagawa ang Balikatan na inaasahang dadaluhan ng libo-libong mga sundalong Pilipino at mga Amerkino.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na maaari ring makibahagi ang mga like-minded nations para lalo pang malakas at mapalawak ang alyansa at samahan sa pagitan ng tropa ng bawat bansa, tulad ng Japan at Australia.
Sa kasalukuyan, mayroon ding RAA (reciprocal access agreement) ang Pilipinas at Japan habang binubuo na rin ang VFA (visiting forces agreement) sa pagitan ng Pilipinas at Austalia; at Pilipinas at Canada.
Ayon kay Col. Padilla, maaaring sumama o mag-observe ang tropa ng mga naturang bansa sa isasagawang taunang military simulation.
Sa ngayon, tinitingnan din ng AFP ang posibleng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng European Union (EU).
Una nang sinabi ng AFP na ang magiging Balikatan Exercises ngayong taon ay isang ‘full battle test’ kung saan tutukuyin kung gaano ka-epektibo ang mga plano, taktika, at military procedures na una nang binuo ng hukbo; maisagawa ang mga ito, at magamit sa mga serye ng simulation.
Ilan sa mga lugar kung saan isasagawa ang mga simulation ay sa Palawan, Zambales, Batanes, Cagayan, atbpa.