Sinuspinde muna ng mga otoridad ang paghahanap sa crew ng cargo ship na nawala sa timog-kanlurang bahagi ng Japan bunsod ng masamang lagay ng panahon.
Ayon sa Japanese Coast Guard, ito ay dahil sa nakaambang pananalasa ng Typhoon Haishen, na inaasahang lalakas pa habang papalapit sa isla ng Kyushu.
Babala naman ng meteorological agency ng Japan, posibleng ang nasabing bagyo ang ikatlo sa pinakamalaki na tatama sa bansa matapos ang halos 70 taon.
Nakadepende naman sa magiging lagay ng panahon kung kailan muling ipagpapatuloy ang misyon.
Matatandaang noong nakalipas na linggo nang mawala sa katimugang bahagi ng Japan ang Gulf Livestock 1 na may lulang 43 tripulante, kasama na ang 39 Pilipino, at halos 6,000 baka sa kasagsagan ng pananalasa ng Typhoon Maysak na may lakas na papalo ng 130 mph.
Sa ngayon, tatlo pa lamang ang nailiigtas ng Coast Guard kung saan ang isa sa mga ito ay binawian na ng buhay.
Nitong Biyernes nang matagpuan ang isang lalaki sa nakalutang na life raft malapit sa Kodakara Island, na kinilalang si Jay-Nel Rosales, isang Pilipino.
Agad na dinala si Rosales sa ospital at sa ngayon ay nakakausap at nakakalakad na raw ito.
Noong Huwebes naman nang unang ma-rescue ang isa pang Pinoy na si Eduardo Sareno.
Sa pahayag ng mga otoridad, nanggaling sa Napier, New Zealand ang barko at patungo sana sa Tangshan, China. (CNN)