Pumalag ang Japan Embassy sa pagbatikos ng Chinese Embassy na kapwa nakabase sa Maynila matapos depensahan ng Japan ang Pilipinas laban sa agresyon ng China sa West Philippine Sea.
Una na kasing inalmahan ng Chinese embassy ang pagdepensa ni Japanese Ambassador Endo Kazuya sa PH kung saan tinawag ng China na iresponsable ang naging pahayag ng Japanese envoy at kamangmangan umano sa katotohanan at walang basehang akusasyon laban sa China.
Maaalala na noong Linggo, August 25, binangga ng anim na beses at binomba ng water cannon ng mga barko ng China ang barko ng Pilipinas na BRP Datu Sanday na maghahatid sana ng food supply, langis at medisina para sa mga Pilipinong mangingisda sa Escoda shoal na nagresulta sa pagkapinsala ng starboard at port sides ng BFAR vessel kabilang na ang communication at navigational equipment nito.
Ayon sa Embahada ng Japan, ang isyu sa disputed water ay direktang may kinalaman sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon at ito ay lehitimong concern ng international community.
Kayat bilang isang stakeholder aniya, isang important matter of interest ang naturang isyu para sa Japan na dumidepende sa sea transport para sa karamihan ng kanilang resources at enerhiya.
Nanindigan din ang Japan na ipagpapatuloy nito ang paggiit sa kahalagahan ng kalayaan sa paglalayag at pagpapalipad gayundin ang status quo sa naturang karagatan.