Bumiyahe sa kauna-unahang pagkakataon sa isang tren ng MRT-3 si Japan Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na sumakay si Koshikawa sa isang overhauled train na bahagi ng kanyang pagbisita sa rail line.
Ang sinakyang tren si Koshikawa ay tumakbo mula Ayala Station sa lungsod ng Makati patungong North Avenue Station sa Quezon City.
Pinuri rin daw ng Japanese envoy ang pamunuan ng MRT-3 dahil sa mga ginawang pagpapabuti sa serbisyo ng mga tren nito.
“Kabilang dito ang mas pinabilis na takbo ng mga tren sa 60kph; mas bumabang headway sa 3.5 to 4 minutes, mula sa dating 8.5 to 9 minutes; at mas pinaikling travel time mula North Avenue station hanggang Taft Avenue station sa 45 to 50 minutes, mula sa dating 1 hour and 15 minutes,” saad ng DOTr.
Si Koshikawa ay sinamahan nina DOTr Secretary Arthur Tugade at iba pang matataas na opisyal ng kagawaran.