Hindi na hahayaan pa ng Japan na maulit ang mapaminsalang World War II.
Ito ang inihayag ni Japanese Ambassador Endo Kazuya kasabay ng paggunita ng ika-82 Araw ng Kagitingan o Day of Valor bilang pagala-ala sa naging kabayanihan at sakripisyo ng mga Pilipino na lumaban sa Battle of Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sinabi din ng Japanese envoy na determinado ang kanilang bansa na hindi na papayagang mangyari pa ulit ang giyera para sa kapakanan ng kasalukuyan at hinaharap na henerasyon.
Nanindigan din ang Japanese envoy sa commitment ng kaniyang bansa na panatilihin at palakasin ang rules-based international at maritime order na magkasamang prinotektahan sa loob ng ilang dekada sa gitna ng kasalukuyang international conflicts gaya ng giyera sa Ukraine, Middle east gayundin ang complex security environment sa Indo-Pacific Region.
Inihayag din ng envoy na ang trilateral cooperation ng Japan sa Pilipinas at US ay nagsisilbing simbolo ng shared commitment para itaguyod ang malaya at bukas na international order base sa rule of law.
Inaabangan na rin aniya ng Japan ang makasaysayan at kauna-unahang Japan-PH-US summit meeting na idaraos sa Washington na magsisilbing testamento ng ibayo pang pagpapalakas ng trilateral cooperation sa 2 bansa.
Tiniyak din nito na ipagpapatuloy ng Japan kasama ang PH ang buong kooperasyon sa pagsiguro ng mas maunlad at progresibong mga bansa sa gitna ng krisis man o tagumpay.