Muling nagpaabot ng paumanhin ang Japan sa paghihirap na naranasan ng Filipino comfort women sa kamay ng mga sundalong Hapones noong World War II.
Ayon kay Japan Ministry of Foreign Affairs deputy press secretary Kaneko Mariko, matagal na silang humingi ng tawad sa mga kalupitang nagawa ng kanilang mga sundalo sa naturang digmaan at naibigay na rin ang bayad-pinsala sa mga biktima sa pamamagitan ng 1951 San Francisco Peace Treaty.
Bagamat kanilang buong kinikilala na nalamatan ang dignidad at puri ng dating comfort women at dahil dito nagpapaabot ng labis na pagsisisi ang gobyerno ng Japan sa mga naging aksiyon ng kanilang mga sundalo.
Ginawa ng naturang Japanese official ang pahayag matapos na muling igiit ni Senate Committee on Women chairman Senator Risa Hontiveros noong nakalipas na linggo ang kaniyang panawgan para sa makatarungan at makabuluhang bayad-pinsala para sa mga Filipino comfort women at kanilang mg pamilya dahil 18 na lamang ang natitira sa Malaya Lolas, ang organisasyon na binubuo ng mga dating comfort women o biktima ng sexual slavery ng mga sundalo ng Japanese Imperial army sa panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas noong ikalawang Digmaang Pandaigdig