-- Advertisements --

Kasalukuyang hiring ang Japan ng nurses at certified care workers.

Sa isang statement, sinabi ng Embahada ng Japan sa Manila na nagpapatuloy ang recruitment para sa 50 nurses at 300 careworkers.

Ang naturang recruitment ay nasa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement.

Iproproseso naman ng Department of Migrant Workers sa pakikipagtulungan sa Japan International Corporation of Welfare Services ang mga aplikasyon.

Ang mga kwalipikadong nurses na maaaring mag-apply ay dapat na nakapagtapos ng Bachelor of Science in Nursing na may active Professional Regulation Commission license, may minimum na 3 taong work experience sa ospital, clinic, o health center at dapat na willing magtrabaho at mag-aral sa Japan bilang nurse para makakuha ng national license.

Para naman sa careworker, dapat na nakapagtapos ng Bachelor of Science in Nursing meron man o walang PRC license, nakapagtapos ng 4 na taong kurso subalit may National Certificate II in Caregiving (NCII) mula sa TESDA at dapat na committed na magtrabaho at mag-aral sa Japan bilang candidate para sa careworker para makakuha ng National License.

Ayon sa Embahada, ang mga matatanggap na aplikante ay kailangang sumailalim sa Japanese language training sa loob ng 6 na buwan sa Pilipinas at 6 na buwan sa Japan.

Ito ay libre at ibibigay sa kasagsagan ng training ang arawang allowance.

Para sa mga interesadong mag-apply, magsumite lamang sa DMW Regional Offices o Central Office ng detalyadong resume, clear photocopies ng transcript of records, college diploma, updated Certificate of Employment, Japanese Language Training Certificate kung meron, valid TESDA certificate (kung hindi BS Nursing graduate), valid passport, valid clearance mula sa National Bureau of Investigation, Pre-Employment Orientation Seminar certificate, at printed copy ng Workers Information Sheet/e-Registration.

Ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon ay hanggang sa Abril 4.