Naniniwala ang isang partylist lawmaker na ang Japan ang isa sa maaaring mapagkuhanan ng pondo para sa muling pagbuhay ng Bicol Express rain line.
Ayon kay Bicol Saro Partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan na ikunsidera naman ng gobyerno ang Japan na patuloy na nagbibigay ng alok sa mga highly concessional financing packages sa Pilipinas partikular sa mga big ticket infrastructure projects.
Sinabi ni Yamsuan na ang JICA concessional loan terms ng Pilipinas ay nananatiling competitive kung saan sapat ito para sa Department of Transportation (DOTr) na isaalang-alang ang Japan bilang isang viable funding option sa pagpopondo para sa muling pagbuhay ng Bicol Express rail line.
Tinatayang nasa P142 billion ang gastos para sa unang bahagi sa reconstruction ng kilalang Bicol Express railway na kilala bilang South Long Haul Project.
Punto ng Kongresista na hindi lamang ang pagtugon sa traffic congestion sa Metro Manila ang tutukan ng gobyerno kundi ang pagpapalakas sa mga tranportation infrastructure sa labas ng NCR.
Naniniwala si Yamsuan na ang pagbuhay sa Bicol Express ay tugon din para maibsan ang matinding traffic patungong South Luzon.
Aniya, ang bahagi ng South Long Haul project ay maaring pondohan ng Official Development Assistance (ODA) mula Japan at ang ibang bahagi ay maaring pondohan sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) mode.
Patuloy na nananawagan si Yamsuan sa kaniyang mga kasamahang mga mambabatas na suportahan ang muling pagbuhay ng Bicol Express rail line.