Nakatakdang makatanggap ang Pilipinas ng karagdagan pang defense equipment mula sa Japan sa gitna ng mga banta sa pinaga-agawang karagatan saklaw ang West Philippine Sea.
Ang Japan nga ay isang vocal supporter ng Pilipinas laban sa agresyon sa disputed waters.
Kabilang sa ibibigay na assistance ng Japan ay nagkakahalaga ng P611 million o katumbas ng 1.6 billion yen para sa pagbibigay ng coastal radar systems at automatic rigid hull inflatable boats.
Ang naturang coastal radar systems ay ginagamit para ma-detect at matunton ang maliliit na fishing vessels gayundin para mapangasiwaan ang vessel traffic habang ang rigid hull inflatable boats naman ay magaan at fast high-performance boats na ginagamit ng military para sa pagpapatroliya gayundin sa search at rescue operations.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), susuportahan ng naturang tulong ang ginagawang mga hakbang ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines sa pagprotekta sa Pilipinas at pagpapahusay pa ng kapasidad ng ating bansa para malabanan ang mga banta sa kaayusan, katatgan at seguridad sa Indo-Pacific region.