Magbibigay ang Japan ng tulong na nagkakahalaga ng $431,446 o humigit-kumulang P25.2 million para pondohan ang apat na Grassroots Human Security Projects sa Pilipinas ngayong taon.
Kabilang dito ang pagtatayo ng dalawang palapag na school building sa munisipalidad ng Ilog, Negros Occidental, na nagkakahalaga ng $247,228 o P14.4 million.
Ang istruktura ay kinabibilangan ng anim na silid-aralan para sa hindi bababa sa 215 mag-aaral ng Ilog Elementary School.
Ang lokal na pamahalaan ng Ilog at ang Department of Education (DepEd) ay nagpahayag ng pasasalamat sa tulong na ibibigay ng Japan.
Sinabi ni Education Undersecretary Epimaco Densing III na ito ay makatutulong upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa.
Batay sa projections ng DepEd, mangangailangan ito ng pondo na hindi bababa sa P100 billion kada taon para ganap na matugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa sa loob ng 7 taon.
Sinabi ni Densing na bukod sa national budget, tinitingnan din ng pamahalaan ang pakikipagtulungan sa mga non-government organizations, civil society groups, at business groups, o ang posibilidad ng pag-tap ng loan grants mula sa development partners, upang punan ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Dagdag dito, kabilang din sa mga proyektong inaprubahan ng Japanese government para makatanggap ng grant assistance ay ang pagbili at pag-install ng mobile water purification tank sa Mabato Elementary School sa Rosario, Batangas, na nagkakahalaga ng $105,380 o P6.1 million.
Aabot naman sa $62,247 o P3.6 million ang gagamitin sa pagtatayo ng food processing training center sa Bombon, Camarines Sur na naglalayong pataasin ang production values at kita ng mga magsasaka sa 10 target na komunidad.
Kasama rin sa pagpopondo ang probisyon para sa mga kagamitan tulad ng freezer, vegetable chiller, vacuum packaging, dehydrator, at electric stand mixer.
Ang ikaapat na proyekto sa ilalim ng Grassroots Human Security Projects ay ang pagbili ng sasakyan na nagkakahalaga ng $16,591 o P971,428 para sa transportasyon ng mga batang lansangan sa Lipa City, Batangas at mga karatig bayan, sa tulong ng Sarnelli Center for Street Children Foundation, Inc.
Una na rito, pinangunahan ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa ang pagpirma ng mga kinakailangang dokumento at ang grant contracr para sa mga nasabing proyekto.