Sisimulan na sa susunod na buwan ang malawakang antibody testing sa Japan upang malaman kung hanggang saang lugar na sa bansa umabot ang pagkalat ng coronavirus.
Pipili ng 3,000 katao ang health ministry ng Japan sa bawat lungsod at kukuhanan ang mga ito ng blood samples. Sa oras na makitaan ang isang indibidwal ng antibodies laban sa COVID-19 ay kaagad malalaman ng health ministry kung sino na ang tinamaan ng nasabing sakit na kalaunan ay gumaling.
Layunin ng health ministry na gamitin ang programa na ito para kalkulahin kung gaano na kalala ang kaso ng virus sa mga mapipiling lugar.
Aarilin din nito ang posibilidad ng “herd immunity” kung saan kaagad nilang malalaman kung ang malaking porsyento ng mamamayan ay immune na sa virus upang labanan ang lalo pang pagkalat nito.
Nagsagawa na rin ng antibody testing ang mga researchers mula sa iba’t ibang university sa Japan ngunit ito ang kauna-unahang beses na pangangasiwaan ito ng health ministry.
Noong nakaraang buwan nang simulan ng health ministry ang trial basis ng parehong test habang sinusubukan kung gaano ito ka-epektibo.