-- Advertisements --

Muling hinimok ng Japan ang China na sumunod sa final and legally binding na 2016 arbitral award sa West Philippine Sea bilang tugon sa marahas na insidente noong Hunyo 17 sa Ayungin Shoal.

Sinabi ng Japanese Defense Minister Minoru Kihara na seryosong nababahala ang Japan tungkol sa pinakabagong komprontasyon ng China Coast Guard at Philippine Navy sa kasagsagan ng resupply mission para sa naval outpost ng PH sa West Philippine Sea na nagresulta sa pagkasira ng inflatable boats ng PH at malubhang pinsala sa sakay nito na ilang naval crew.

Ayon sa Japanese official, ang arbitral award ay pinal at legal na may bisa sa mga partido sa naturang dispute at inihayag din na lubos na umaasa ang Japan na ang mga partido ay sumunod sa award para sa isang mapayapang pag-aayos ng mga alitan sa pinaga-agawang karagatan.

Lubos din aniyang pinahahalagahan ng Japan ang posisyon ng gobyerno ng Pilipinas na patuloy na nagpapakita ng pangako nito para sa mapayapang paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa disputed waters alinsunod sa desisyon ng Philippine-China arbitration.

Una rito, nagtungo dito sa bansa si Kihara para sa paglagda ng landmark Reciprocal Access Agreement sa pagitan ng PH at Japan.