Naglaan ang bansang Japan ng $5.5Million bilang tulong para sa isang programa na naglalayong maayos ang birth registration ng mga bata at mga sanggol sa Mindanao.
Ang naturang proyekto ay mangunguna sa iba’t ibang inisyatiba sa Mindanao na kinabibilangan ng pagbibigay-kapasidad sa mga LGU at Local Civil Registrars para sa mas maayos na registration, paglalaan ng mga IT equipment para sa digitization ng birth registration sa rehiyon, at mga kagamitan para makapagsagawa ng mga caravan.
Target din ng programa na mairehistro ang libo-libong mga bata sa Mindanao at makapagsagawa ng mas malawak na information campaign ukol sa kahalagahan ng birth registration.
Inaasahang makakabuo ang naturang programa ng mga mekanismo at sistema para mairehistro ang kahit man lang 92% ng tinatayang 1 million na unregistered individuals sa Mindanao kung saan 130,000 dito ang inaasahang magbebenepisyo sa susunod na 30 na buwan habang ang karagdagang 800,000 na katao naman sa susunod na sampung taon.
Pinangunahan naman ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya ang paglulunsad sa proyekto.