-- Advertisements --

Naniniwala ang Olympic minister ng Japan na maaaring ipagpaliban ang Tokyo 2020 Games hanggang sa huling bahagi ng taon dahil sa coronavirus outbreak.

Ayon kay Minister Seiko Hashimoto, batay sa kasunduan ng Tokyo at ng International Olympic Committee (IOC), dapat ay maisagawa ang Olimpiyada sa loob ng kasalukuyang taon.

Dagdag pa ni Hashimoto, maaaring interpretasyon ito na posibleng may mangyaring postponement.

Gayunman, sinabi ng opisyal na ginagawa nila ang lahat upang masiguro na tuloy pa rin ang Olympics batay sa plano.

Sa ilalim ng hosting agreement, nananatili sa kamay ng IOC ang karapatan upang kanselahin ang naturang prestihiyosong sporting event.

Kung si IOC president Thomas Bach naman ang tatanungin, kumpiyansa ito na magtatagumpay ang Tokyo Games.

“I would like to encourage all the athletes to continue their preparations with great confidence and full steam,” wika ni Bach.

Idaraos ang Olympics mula Hulyo 24 hanggang Agosto 9.