-- Advertisements --

Pagdedesisyunan ng gobyerno sa Japan kung tatanggalin na rin nito ang state of emergency sa walo pang prefectures sa bansa sa oras na makalap na nila ang data infection mula Tokyo at Osaka.

Binabalak din ng gobyerno na kausapin ang panel of experts upang humingi ng kanilang opinyon tungkol sa nakabinbing plano.

Ang naturang emergency declaration ay kasalukuyan pa ring ipinatutupad sa Tokyo at iba pang prefecture sa paligid ng Saitama, Chiba at Kanagawa.

Nakapagtala noong Linggo ng limang panibagong kaso ng coronavirus ang Tokyo habang wala namang nadagdag sa Osaka.

Ayon sa isang opisyal ng gobyerno, magandang senyales umano ang ipinapakitang tuloy-tuloy na pagbaba ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 araw-araw ngunit aniya kinakailangan pa ring i-assess ng mabuti kung magpapatuloy ito hanggang sa mga susunod na linggo.

Hinihikayat naman ng Japanese government ang mamamayan mula sa walong prefectures na manatili lamang sa loob ng kanilang mga bahay at mag-ingat na hindi makapitan ng sakit.