Iginiit ni Japan Prime Minister Fumio Kishida na ang West Philippine Sea ay dapat pinangangasiwaan ng batas at kaayusan at hindi sa pamamagitan ng pagpapa-iral ng puwersa sa rehiyon.
Ginawa ng punong ministro ang pahayag sa naging pagharap at pagdalo nito sa isinagawang special joint session ng Senado at House of Representatives ngayong araw sa batasang pambansa sa lungsod ng Quezon.
Ayon naman kay Kishida, ang trilateral cooperation sa pagitan ng Japan, Pilipinas at Estados Unidos ay isinasagawa na upang protektahan ang kalayaan ng paglalayag sa West Philippine Sea.
Aniya, upang mapanatili at mapalakas ang isang malaya at bukas na international order batay sa sinasabi ng batas, mahalagang magkaroon ng multi-layered cooperation sa pagitan ng mga kaalyado at mga bansang may kaparehong pananaw.
Kinumpirma rin nito na sa unang pagkakataon noong buwan ng Setyembre ay nagpalitan sila ng kuro-kuro nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US Vice President Kamala Harris upang paghusayin ang kanilang kooperasyon.
Kung maaalala, ang Pilipinas at Japan ay kapwa hindi sang ayon sa ginagawang pag-aangkin ng China sa soberanya sa mga isla na matatagpuan sa Exclusive Economic Zone ng parehong bansa.
Ang exclusive economic zone ay ang bahagi ng karagatang saklaw sa loob ng 200 nautical miles mula sa dalampasigan.
Ito rin ay itinatadhana ng United Nations Convention on the Law of the Sea na kung saan binibigyan ng espesyal na karapatan ang isang estado na galugarin at gamitin ang yamang-dagat, kasama rito ang produksiyon ng enerhiya mula sa tubig at hangin.
Ang Pilipinas at Japan ay patuloy ring naghahain ng protesta laban sa China dahil sa patuloy nitong panghaharas sa mga barko ng pilipinas at mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Tiniyak naman ni Prime Minister Kishida ang patuloy na suporta ng Japan sa pagpapahusay sa security capabilities ng Pilipinas upang magkaroon ng kapayapaan at katatagan sa pinag-aagawang rehiyon.
Batay sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague Netherlands noong 2016, ang 200 nautical miles mula sa territorial sea ng Pilipinas ay ang exclusive economic zone nito sa West Philippine Sea.
Sa nasabing desisyon , binigyang diin ng tribunal na ang Mischief Reef, Ayungin Shoal at Reed Bank ay nasa loob pa rin ng exclusive economic zone ng Pilipinas at batay rin ito sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Seas.
Sa naturang desisyon ng dalawang korte noong 2016, pinagbawalan nito ang China na salakayin ang anumang sasakyang pandagat ng Pilipinas pati na ang panghaharas at pagharang nito sa mga Pilipinong Mangingisda sa West Philippine Sea.
Sa kabila nito , hanggang ngayon ay patuloy pa ring hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon.