-- Advertisements --
kishida1

Nagbigay ng mensahe para sa Pilipinas si Japan Prime Minister Fumio Kishida sa pagharap nito sa ginanap na special joint session ng Senado at Kamara.

Sa mensahe ni Kishida sa Kongreso, tinawag ng Prime Minister na “irreplaceable partner” ng Japan ang Pilipinas at ikinararangal niya na mabigyan ng oportunidad bilang kauna-unahang Japan Prime Minister na makapaghatid ng mensahe sa Kongreso.

Inihayag nito na bagamat hindi palaging ‘smooth-sailing’ ang naging ugnayan noon ng Japan ng bansa, ngayon aniya ay nakamit na ng dalawang bansa ang “golden age” ng kanilang pagkakaibigan at magandang relasyon.

Aniya, ang taon kasing ito ay paggunita rin sa ika-50 anibersaryo ng pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng Japan at ASEAN at sa Disyembre naman ay host ang Japan sa isang commemorative summit meeting na gaganapin sa Tokyo.

Binigyang-diin din ni Kishida ang kahalagahan ng ‘human dignity’ para sa pagkakaroon ng kapayapaan at katatagan sa buong mundo.

Binanggit din ng Japan Prime Minister ang kanyang mga plano tulad ng pagsusulong sa “Free and Open Indo-Pacific” (FOIP) plan na siyang mag uugnay sa kapayapaan at kasaganahan ng mga bansa sa Indo-Pacific, pagtugon at pagtutulungan sa mga hinaharap na hamon ng mga bansa sa rehiyon, pagpapalakas ng ugnayan at relasyon ng mga bansa sa ASEAN.

Tinalakay din nito ang tungkol sa defense cooperation, economy at investment, kooperasyon tungkol sa mga pandaigdigang isyu, at lalo pang pagpapaigting sa JAPAN-PHIL-US cooperation.

Panghuli ay tiniyak ni Kishida ang patuloy na pagtiyak sa higit pang pagpapalakas ng magandang relasyon at pagkakaibigan ng Japan at Pilipinas.

Sa pagtatapos ng makasaysayang event na ito, ay kapwa nagpasalamat at tiniyak din ng mga lider ng Senado at Kamara ang patuloy na magandang ugnayan ng dalawang bansa.

Ito na ang ikalimang beses na may isang foreign leader ang binigyang pagkakataon na makapagbigay ng mensahe sa Kongreso.